Back to Languages
Filipino - Chapter 62
Translation by Abdullatif Eduardo M. Arceo
Verse 1
Maging anupaman ang nasa kalangitan at kalupaan ay lumuluwalhati kay Allah, - ang Hari (ng lahat ng bagay), ang Banal, ang Puspos ng Kapangyarihan, ang Tigib ng Karunungan
Verse 2
Siya (Allah) ang nagsugo sa mga hindi nakapag-aral ng isang Tagapagbalita (Muhammad) mula sa kanilang lipon, upang kanyang dalitin sa kanila ang Kanyang mga Talata, upang sila ay maging dalisay (sa kawalan ng pananalig at pagsamba sa mga diyus-diyosan) at sila ay mapatnubayan ng Aklat ng Karunungan (ang Qur’an, mga Batas Islamiko, Sunnah-mga salitain ni Propeta Muhammad). Katotohanang sila nang panahong sinauna ay nasa lantad na kamalian
Verse 3
At Kanyang isinugo rin siya (si Propeta Muhammad) sa mga iba pang (Muslim) na hindi pa sumasama sa kanila (datapuwa’t sila ay darating) . At Siya ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakamaalam
Verse 4
Ito ang Biyaya ni Allah na Kanyang ipinagkakaloob sa sinumang Kanyang maibigan. At si Allah ang Naghahawak ng walang Maliw na Biyaya
Verse 5
Ang nakakatulad nila na pinagkatiwalaan ng (mga tungkulin) ng Torah (mga Batas, alalaong baga, ang sumunod sa pag-uutos nito at magsagawa nito), ngunit hindi naglaon ay nabigo sa ganitong mga tungkulin, ay katulad ng asno na nagpapasan ng malaking dalahin 880 ng mga aklat (ngunit walang nauunawaan sa mga ito). Kasamaan ang nakakawangki ng mga tao na nagtatatwa ng Ayat (mga kapahayagan, katibayan, aral, talata, atbp.) ni Allah, at si Allah ay hindi namamatnubay sa Zalimun (mga gumagawa ng kamalian, mapagsamba sa diyus-diyosan, walang pananalig sa Kaisahan ni Allah, sa Kanyang mga Tagapagbalita, sa Kanyang mga Aklat, atbp)
Verse 6
Ipagbadya (O Muhammad): “O kayong mga Hudyo! Kung kayo ay nagkukunwari bilang mga kaibigan ni Allah, na nagbubukod sa (lahat) ng sangkatauhan, kung gayon ay magnais kayo ng kamatayan kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.”
Verse 7
Datapuwa’t hindi sila magnanais nito (kamatayan), dahilan sa (mga gawa) ng kanilang kamay kung saan sila inihantong noong una! At si Allah ang lubos na nakakabatid sa Zalimun (mga mapaggawa ng kasalanan, mapagsamba sa diyus-diyosan, walang pananalig kay Allah, atbp)
Verse 8
Ipagbadya (sa kanila): “Katotohanan, ang kamatayan na inyong tinatakasan ay walang pagsalang daratal sa inyo, at kung magkagayon, kayo ay muling ibabalik (kay Allah), ang Lubos na Nakakaalam ng lahat ng mga nalilingid at nakalantad, at Siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang inyong ginawa.”
Verse 9
o kayong mga nagsisisampalataya (mga Muslim): Kung ang panawagan sa pagdarasal sa araw ng Biyernes (Al-Jumuah) ay ipinagbadya sa inyo, magmadali na may pagsusumamo sa pag-aala-ala kay Allah (pangaral sa pananampalataya at panalangin), at talikdan ninyo ang kalakal at iba pang bagay, ito ay higit na mainam sa inyo kung inyo lamang nababatid
Verse 10
At kung ang pagdarasal (Jumuah) ay natapos na, kayo ay malaya na magsipangalat sa kalupaan at magsihanap ng Kanyang mga Biyaya (sa pamamagitan ng pagtatrabaho), at lagi ninyong alalahanin si Allah upang kayo ay magsipagtagumpay
Verse 11
Datapuwa’t kung sila ay nakakakita ng mga paninda na mura at mga paglilibang (tunog ng tambol, atbp.), sila ay dagliang pumupunta roon, at ikaw (o Muhammad) ay iniiwan nila na nakatayo (habang ikaw ay nagpapaala-ala sa pangangaral). Ipahayag: “Higit na mabuti ang nasa kay Allah kaysa sa anumang paglilibang at murang paninda!” At si Allah ang Pinakamahusay sa mga nagkakaloob